GENERAL SANTOS CITY – Pagkatapos nitong 2019 midterm elections, kaagad na sasabak sa training si eight division world champion at Senator Manny Pacquiao para sa kaniyang laban kay Keith Thurman sa July 20.
Ito ang inihayag ng fighting senator, matapos itong bumoto kaninang tanghali sa Kiamba Central Elementary School sa bayan ng Kiamba, Sarangani Province.
Aniya, sa Maynila nito bubuksan ang training camp dahil may trabaho pa rin ito sa Senado hanggang sa unang linggo ng Hunyo.
Makakasama pa rin umano ni Pacman sa magiging training camp sina Coach Buboy Fernandez at Hall of Famer trainer Freddie Roach.
Excited umano si Pacquiao para sa susunod na laban, lalo na’t undefeated si Thurman kaya’t asahan ang isang umaatikabong bakbakan sa ibabaw ng ring, na posible umanong ganapin sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada.
Nabatid na tila isang fan meet ang naging sitwasyon sa Kiamba Central Elementary School nang bumoto ang tinaguriang Pambansang Kamao.
Ito’y matapos na pinagkaguluhan si Pacquiao at marami ang nag-abang sa labas ng kaniyang polling precinct upang masilayan ang kanilang idolo.
Matapos makaboto ay pinaunlakan ni Pacquiao ang mga fans at taga-suporta na nakipag-selfie at nagpakuha ng litrato kasama ang boksingero.
Habang alas-tres pasado naman nang makaboto rin ang kaniyang maybahay na si Jinkee Pacquiao sa Fermin Fuster Elementary School sa Brgy Catubao, sa nasabi pa ring bayan sa Sarangani.