-- Advertisements --

Nagbigay muli ng panibagong alok si Sen. Manny Pacquiao para sa Pinoy boxer na si Eumir Marcial, na pinag-aagawan din ng iba pang mga promoters para pumasok sa professional boxing.

Ayon kay Pacquiao, kaya niya raw bigyan si Marcial ng tsansa na lumahok sa isang world title fight matapos lamang ang tatlong professional fights.

Batid din daw ng Fighting Senator na maraming mga grupo ang interesado sa Pinoy middleweight, kaya inihayag ni Pacquiao na mas makatitipid daw ito kung lalagda siya ng kontrata sa MP Promotions.

Naniniwala si Pacquiao na posible para kay Marcial ang isang world title bout dahil sa kanyang koneksyon sa mga malalaking sanctioning bodies.

Pero ayon kay Pacquiao, maari lamang ito kung tuloy-tuloy lamang ang mga tagumpay ni Marcial sa ibabaw ng ring.

Una nang sinabi ng eight-division world champion na suportado nito ang adhikain ni Marcial na maiuwi ang gintong medalya sa Tokyo Olympics.

Si Marcial ay pasok na sa Olympics matapos nitong dominahin ang 2020 Asian/Oceania Olympic Qualifying Tournament noong nakaraang buwan sa Amman, Jordan.