Kumpiyansa si Mexican boxing superstar Erik Morales sa tsansa ng dati nitong mahigpit na karibal na si Sen. Manny Pacquiao na magwagi sa magiging laban nito kay undefeated champion Keith Thurman.
Sa isang panayam, sinabi ni Morales na tingin niya ay kayang ma-knockout ni Pacquiao ang mas batang si Thurman sa loob ng ika-10 round.
Bagama’t kapwa aniyang magaling na boksingero ang dalawa, hindi umano matutumbasan ni Thurman ang mahabang karanasan ng Fighting Senator.
Nakasisiguro din umano ang tinaguriang “El Terrible” na sisiw lamang kay Pacquiao ang bakbakan nila ni Thurman sa Hulyo 21.
Matatandaang tatlong beses na nagtuos sina Pacquiao at Morales kung saan dalawang beses na nagwagi ang Pinoy ring icon.
Kaugnay nito, umaasa rin si British boxer Amir Khan na mananaig ang Pinoy icon kontra kay Thurman para sa WBA (Super) welterweight championship.
Ayon kay Khan, sakaling talunin ni Pacquiao si Thurman ay tataas umano ang kanyang tsansa na maghaharap sila ng Filipino superstar sa loob ng boxing ring.
“End of this year, early next year, I want to make a big name world title challenge and there’s a strong possibility it could be here in Saudi Arabia against Pacquiao,” wika ni Khan.
“Hopefully, Manny beats up Keith Thurman the week after my fight and we’ll see what happens. A fight between us would set-up boxing in the Middle East forever and lead to multiple championship fights taking place in the region. I intend being at the forefront,” dagdag nito.