Naniniwalanang Malacañang na malamang absent o kaya ay may ibang pinagkaabalahan si Sen. Manny Pacquaio noong panahong nagpaliwanag si Health Sec. Francisco Duque III sa Senado kaugnay sa mga ginagastos ng Department of Health (DOH) sa COVID-19 response ng pamahalaan.
Reaksyon ito ni Presidential Spokesman Sec. Harry Roque sa naging pagtanggap ni Sen. Pacquiao sa hamon ni Pangulong Rodrigo Duterte na pangalanan ang mga ahensya ng gobyerno na sinasabi nitong may katiwalian.
Inihayag ni Sen. Pacquiao na ang DOH at si Sec. Duque ang pangunahing dapat maimbestigahan sa katiwalian.
Pero ayon kay Sec. Roque, naisalang na sa mainit na pagtatanong noon ng mga senador si Sec. Duque kaugnay sa isyung ito pero wala namang kasong isinampa laban dito pagkatapos makapagpaliwanag sa Senado.
Iginiit ni Sec. Roque na wala rin namang tanong na ibinato noon kay Sec. Duque si Sen. Pacquiao.
Dahil dito, inihayag ni Sec. Roque na nakikita niyang pulitika ang magiging katapusan ng mga sinasabi at posisyon ngayon ni Sen. Pacquiao.
Ipinauubaya na umano nila sa taongbayan ang paghuhusga kung sino talaga ang karapat-dapat na mamuno pagsapit ng 2022 elections.