Naniniwala si Floyd Mayweather Jr na magagawa ni Pinoy ring icon Sen. Manny Pacquiao na mahigitan ang kanyang record na pinakamaraming pinataob na mga boxing world champions.
Matatandaang sa kanyang professional career, 23 world champions ang pinataob ni Mayweather, na may malinis ding win-loss record na 50-0 record.
Hawak din ng retired American champion ang record sa pagpapatumba sa 16 na mga kampeon nang sunod-sunod.
Gayunman, tila mababasag na ni Pacquiao ang nasabing record dahil 22 world title-holders na ang kanyang pinadapa, matapos ang naging panalo nito kontra kay Keith Thurman noong Hulyo.
“They say, ‘the great must fight the greats.’ Well, just look in the history books. You’ll see nobody beat more world champs than Floyd Mayweather,” wika ni Mayweather.
“That being said, Pacquiao eventually probably would (beat that record).”
Sa kabila nito, hindi pa rin nakaligtas si Pacquiao sa mga banat ni Mayweather.
Ayon kay Mayweather, kahit na kumpiyansa siyang mababasag ni Pacquiao ang kanyang record, mas nauna pa rin naman daw na maging professional boxer ito kaysa sa kanya.
“But guess what, Pacquiao was a professional before me,” ani Mayweather. “With everything he has accomplished, hopefully, he’s made some smart investments.”
Matatandaang nagharap ang dating magkaribal sa isang megabout noong 2015 kung saan nagwagi si Mayweather.