Kinumpirma sa Bombo Radyo ng tiyahin ni Sen. Manny Pacquiao na si Lilia “Pretty” Lao na darating na ngayong weekend sa Pilipinas ang fighting senator.
Sa panayam ni Bombo international correspondent Dr. John Melo mula sa Los Angeles, sinabi ni Ms. Lao na gumaling na rin ang mga mata ni Pacman na nabugbog sa mga jabs ng Cuban champion na si Yordenis Ugas.
Una rito, ipinakita pa ni Jinkee Pacquiao sa kanyang Instagram video ang pagpapakain niya sa kanyang mister habang nakapikit ang mga mata.
Pero ayon kay Ms. Lao ang magandang balita ay gumaling na ang mga mata ni Pacman mula sa pamamaga.
Sa katunayan excited na rin daw na makabalik ng bansa ang ring icon makaraan ang napakahirap na laban kontra kay Ugas noong nakalipas na Linggo.
Ang pagbabalik ni Pacman sa bansa ay upang humabol din sa mga sesyon ng Senado na nagsimula na rin ngayong linggo.