-- Advertisements --

Naniniwala si Top Rank CEO Bob Arum na papatikimin na ni Sen. Manny Pacquiao ng pagkatalo si Floyd Mayweather Jr. sa oras na muling magtuos ang dalawa sa ring.

Ayon kay Arum, tiyak daw na papatok ang rematch ng dalawang kampeon gaya ng una silang magharap apat na taon na ang nakalilipas.

“If that fight happens, then it’s probably worth it to do, because that would be a big, big, big fight,” wika ni Arum. “Manny Pacquiao would win now.”

Matatandaang kumita ng nasa $600 million ang bakbakan nina Pacquiao at Mayweather noong 2015 na ginanap sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas.

Gayunman, sinabi ni Arum na dapat na raw pag-isipan ng 40-anyos na fighting senator ang pagreretiro kung hindi mangyari ang naturang laban.

“He got the win [kontra kay Keith Thurman]. He went out on a big note,” ani Arum.

“I would recommend that this is the time for him to hang it up. But listen, he makes his own choices.”

Bago ang boxing match ng Pinoy ring icon kay Keith Thurman nitong Hulyo 21, inihayag ng bigtime promoter na nababahala raw ito na baka magkaroon ng brain damage si Pacquiao.

Sinabi naman ni Pacquiao na wala raw dapat ipag-alala si Arum at ang kanyang mga fans tungkol sa kanyang kondisyon.