Naniniwala si Top Rank CEO Bob Arum na wala umanong duda na si Pinoy superstar Sen. Manny Pacquiao ang tatanghaling “Fighter of the Decade” at hindi ang undefeated na si Floyd Mayweather Jr.
Ayon kay Arum, wala umanong boksingerong makakapantay sa mga nagawa ni Pacquiao nitong nakalipas na dekada.
Mas pinili rin ng 88-anyos na promoter ang “Fighting Senator” kahit na nabigo itong magwagi sa kanilang blockbuster showdown ni Mayweather noong 2015.
Sinabi pa ni Arum na mas madalas na nasa ibabaw ng boxing ring si Pacquiao at naging competitive sa loob ng huling apat na dekada kumpara kay Mayweather na hindi masyadong lumalaban.
Matapos matalo kay Mayweather, bumawi si Pacquiao kung saan nagtagumpay ito sa lima sa anim na huli nitong laban, kabilang na ang kanyang unanimous decision win kontra kay Adrien Broner at split decision victory kay Keith Thurman noong 2019.
Sa ilalim naman ng Top Rank Promotions ni Arum, dinomina ni Pacquiao si Timothy Bradley noong Abril 2016, at Jessie Vargas noong Nobyembre 2016 bago payukuin ni Jeff Horn sa isang kontrobersyal na laban noong 2017.
Ngunit hindi nagpapigil si Pacquiao at nagtala ng seventh round technical knockout win kontra kay Lucas Matthysse noong Hulyo 2018 sa Malaysia.