-- Advertisements --
Pacman Mayweather
Pacquiao- Mayweather

Mas lumakas pa ang usapin ng rematch sa pagitan nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr.

Ayon sa mga malalapit sa kampo ng Pinoy boxer, inaayos na nila ang muling paghaharap ng dalawa.

Nasa hatian na lamang umano ng premyo ang isa sa mga pinaplantsa ngayon.

Posible aniya sa 2020 ang magiging paghaharap ng dalawa subalit wala pang inilalabas na ibang detalye.

Wala ring inilabas ang dalawang kampo kung pumayag na ba si Pacquiao na magkaroon lamang ng exhibition fight o 12-round professionally-sanctioned fight.

Magugunitang noong nakaraang mga araw ay nag-post sa kaniyang social media account ang retired US boxing champion at sinabing inaayos na niya ang exhibition fight nila ni Pacquiao sa Tokyo, Japan.

Agad namang binanatan ito ni Pacquiao at sinabing papayag lamang siya basta ito ay 12-round boxing match.

Itinuturing na pinakamalaking pay-per-view ang laban ng dalawa noong 2015 na kumita ng mahigit $410 million o mahigit P21-billion na bumasag sa maraming mga records.