-- Advertisements --

Ibinasura lamang ng federal judge sa California ang class-action lawsuit na inihain ng ilang mga boxing fans laban kina Sen. Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr.

Inabot din ng dalawang taon ang kaso bago nagbaba ng desisyon si U.S. District Judge R. Gary Klausner sa Los Angeles.

Nag-ugat ang kaso dahil sa hindi umano nakontento ang mga fans sa naging laban nina Pacman at Floyd noong taong 2015.

Kung maalala ang Pacquiao-Mayweather bout na binansagan noon na “fight of the century” ay nagtala ng record bilang may pinakamalaking kinita sa kasaysayan ng boxing.

Sa alegasyon naman ng mga fans, niloko daw sila ni Pacquiao na hindi agad isinapubliko na meron pala itong shoulder injury na nagresulta kaya hindi naging maganda ang performance sa laban.

Ang naturang mga dahilan ay ibinasura lamang ng judge.

“Plaintiffs had no legally protected interest or right to see an exciting fight, a fight between two totally healthy and fully prepared boxers, or a fight that lived up to the significant pre-fight hype,” ani Klausner sa kanyang 11-page order. “The reason that competitive sports is so compelling is precisely because the outcome is always at least somewhat uncertain.”

Ang mahigit isang dosenang kaso ay inihain din New York, Pennsylvania, New Jersey, Arizona, Nevada, Florida, Maryland at Texas.