GENERAL SANTOS CITY – Muling nanindigan si Senator Manny Pacquiao sa kanyang pagpabor na muling ibalik sa Pilipinas ang parusang kamatayan.
Ginawa ni Pacquiao ang pahayag dalawang araw makalipas ang paghiling ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso sa pamamagitan ng kanyang SONA na pagtibayin na ang reimposition ng death penalty law.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo GenSan, nanawagan si Pacman sa mamamayan na intindihin ang kanyang posisyon ukol sa pagpabor nito na muling buhayin ang death penalty sa kahit anong pamamaraan lalong-lalo na mga sangkot sa iligal na droga.
Kung maalala kabilang sa binanggit ng Pangulo ay idaan ang parusang kamatayan sa pamamagitan ng lethal injection.
“Bill ko ‘yan. Noong pag-upo na pag-upo ko sa Senado, nai-file ko ‘yan ang death penalty especially sa drugs. Sa tingin ko nararapat lang. And then as a Christian I hope they will understand my position about favoring the death penalty,” paliwanag pa ng ring legend. “Totoong yong nakalagay sa bible ‘yong “thou shall not kill.” But we have the authority which is the government. Binibigyan ng kapangyarian Panginoon para mag-impose ng anumang parusa sa kasalanang iyong ginawa.”
Kung maalala ang Pilipinas ang unang bansa sa Asya na nag-abolish sa death penalty sa ilalim ng 1987 Constitution, pero ito ay muling ibinalik sa administrasyon ni dating Presidente Fidel Ramos.
Gayunman muli itong ini-abolish noong 2006 matapos lagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang batas na nagbabawas sa maximum punishment ng hanggang life imprisonment.
Samantala, umapela ang fighting senator na magkaisa ang lahat upang labanan ang coronavirus disease.
Ani Pacquiao, ramdam niya ang paghihirap ngayon ng halos lahat na tao na apektado ng pandemya dahil dumaan din siya sa hirap.