Naghahanda na umano ng options si Sen. Manny Pacquiao sakaling hindi kilalanin ng Comelec at Supreme Court ang kanilang PDP-Laban bilang isang lehitimong partido.
Inamin ni PDP-Laban executive director Ron Munsayac, sakaling kilalanin ang grupo ni Energy Secretary Cusi ng Comelec, handa raw si Pacquiao tumakbo bilang isang independent candidate.
Una nang sinabi ni Pacman sa kanyang pagdating sa Pilipinas mula sa Amerika na pagkalipas pa ng 10 araw siya magdedesisyon kung tatakbo ba sa pagka-presidente at kung magreretiro na rin sa pagboboksing.
Giit naman ni Munsayac, may ilang mga partido ang nangangako rin na susuporta kay Pacquiao.
Gayunman, binigyang diin daw ng fighting senator kay Sen. Koko Pimentel na tumatayo na bagong chairman ng kanilang PDP-Laban na hindi nila iiwan ang partido at ipaglalaban ito kahit anuman ang mangyari.
Sa sunod na buwan ay nakatakdang magsagawa ng national assembly at maghahalal ng bagong opisyales ang partido at posibleng magproklama na rin ng kanilang standard-bearer sa 2022 presidential elections.
Posible ring mag-anunisyo ng bise presidente at ang 12 line up ng senatoriables.
Una nang inamin din ng chairman ng Comelec na “magiging madugo” ang kanilang pagdedesisyon kung sino ba talaga sa dalawang factions ng PDP-Laban ang lehitimong partido.