-- Advertisements --

Asam pa rin umano ni Pinoy ring icon Sen. Manny Pacquiao na makasagupa sa isang mega boxing showdown si Floyd Mayweather Jr sa susunod na taon.

Pahayag ito ni Pacquiao isang linggo matapos pabulaanan ni Mayweather na may balak itong bumalik sa ibabaw ng ring.

Ito’y matapos kumalat sa social media ang mga videos ng retired American champion kung saan makikita itong nag-eensayo.

Ayon kay Mayweather, ayaw niya raw makipagbasagan ng mukha sa mga batang fighter o kahit kay Pacquiao.

Pero sinabi ng undefeated legend, mababago raw ang kanyang isip kung ang presyo nito ay nagkakahalaga ng $600-milyon.

Paliwanag pa ni Mayweather, kaya raw siya madalas nag-eensayo sa gym ay para mapangalagaan ang kanyang katawan at makapaglibang.

Hindi umano niya iniisip na lumabas sa pagiging buhay retirado.