Dumating na sa Las Vegas si Pinoy boxing icon Sen. Manny Pacquiao para sa laban nito kay Keith Thurman sa MGM Grand Garden Arena sa araw ng Linggo (oras sa Pilipinas).
Bago ito ay tinapos ni Pacquiao ang kanyang training camp sa Los Angeles sa pamamagitan ng jogging.
Sa huling pagkakataon din ay sumabak sa apat na rounds ng light sparring ang fighting senator sa Wild Card Gym kay Abraham Lopez.
Ayon naman kay Pacquiao, masaya raw ito na makabalik sa Las Vegas para sa panibago na namang world title fight.
Una nang sinabi ni coach Freddie Roach na hindi nila tatapusin agad ang laban at hahanap sila ng tiyempo upang maikonekta ang homerun punch sa undefeated American.
Ngunit una nang sinabi ng famed American guru na kaya raw mapatumba ni Pacquiao si Thurman sa pamamagitan ng ninth round knockout.
Ang 40-year-old na si Pacquiao ay hahamunin si Thuman para sa WBA welterweight crown.