Agad na sasabak sa kanyang trabaho bilang mambabatas si Sen. Manny Pacquiao matapos na makabalik ito ng bansa mula sa Amerika kaninang madaling araw.
Nitong Linggo nang maagaw ni Pacquiao sa Amerikanong si Keith Thurman ang WBA “super” welterweight title makaraang magwagi sa kanilang bakbakan sa pamamagitan ng split decision.
Dakong alas-12:30 ng madaling araw kanina nang lumapag sa Maynila ang sinakyang 8-seater private jet ni Pacquiao mula Las Vegas.
Hahabol sana ang fighting senator sa naging State of the Nation Address ng Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang boxing match ngunit hindi ito pinahintulutan ng mga doktor.
Samantala, wala umanong problema para kay Pacquiao kung pagbibigyan nito ang hirit na rematch ni Thurman.
Pero sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ng batikang boxing expert na si Atty. Ed Tolentino, hindi na raw ito kailangan dahil marami pang mga boksingero sa welterweight division ang puwedeng isunod nig Pinoy ring icon.
“Hindi bale sana kung silang dalawa lang, eh wide open ang welterweight eh. Nandyan ‘yung Errol Spence, nandyan ‘yung Shawn Porter, nandyan ‘yung Danny Garcia, kumbaga napakaraming talento. To borrow his nickname, ang laban kay Thurman eh ‘One Time’ lang,” wika ni Tolentino.