Binabalak umano ni Pinoy superstar Sen. Manny Pacquiao na manood sa nakatakdang pagtutuos nina American boxer Errol Spence at Mikey Garcia.
Ayon kay Pacquiao, panonoorin daw nito nang personal kung paano ang fighting style si Spence.
Matatandaang naghayag na rin ng interes si Pacquiao noon na makatunggali ang magwawagi sa nasabing laban.
Bagama’t wala pang opisyal na napapangalanan, isa si Spence sa mga napipisil na makaharap ng Fighting Senator matapos ang matagumpay nitong title defense kontra kay Adrien Broner nitong Enero.
Una nang sinabi ni Spence na interesado raw itong harapin ang eight-division world champion kahit saan, kasama na ang Pilipinas.
Pero giit ng undefeated boxer, sa ngayon umano ay nakatuon ang pokus nito sa magiging tagisan nila ni Garcia sa Marso 17 (oras sa Pilipinas) sa AT&T Stadium sa Texas.