-- Advertisements --
Precilyn Melo Sylvestre
Article by Precilyn Silvestre-Melo (USA correspondent)

LOS ANGELES – Puspusan ang pagpapalakas ng resistensiya ng pambansang kamao Manny Pacquiao bilang pangontra sa mas bata at walang talong si Keith Thurman kung kaya’t mas pinapatibay nito ngayon ang kanyang cardio sakaling tumagal ang bakbakan sa ring.

Sa isang exclusive interview ng Bombo Radyo sa running partner ni Pacman na si Mandirigma Angeles sa LA, ibinahagi nito ang araw-araw na ensayo ng fighting senator kung saan ang pag-jog ang ginagawa sa umaga at sparring session naman sa hapon.

Kamakailan lamang ay nagdesisyon na rin si Manny na tumakbo na pauwi patungo ng kanyang mansion sa halip na sumakay ng kotse.

Liban dito napansin din ni Angeles na dinagdagan pa ang oras sa pag-shadow boxing ng Pinoy ring icon.

Pacquiao in LA training
Photo for Bombo Radyo by Precilyn Silvestre-Melo (USA correspondent)

Bagamat 10 taon ang pagitan nila ni Thurman abanse naman pagdating sa bilis kung pag-usapan ang eight-division world champion.

Sinasabing kailangan na lamang nito na patibayin ang kanyang stamina sapagkat hindi umano birong kalaban ang wala pang talong 30-anyos na si Thurman.

Kumpiyansya naman ang kampo ni Pacman pagdating sa timbang ng senador na walang magiging problema.

Sa edad na 40-anyos nais pa ring patunayan ni Pacman na kaya pa nitong lumaban at manalo sa mga mas batang boksingero.

Una na nitong pinatunayan ang dominanteng panalo niya sa Amerikanong si Adrien Broner noong Enero.

Kaya naman sinisigurado ni Pacquiao na mahihigitan pa niya ang kondisyon ni Thurman upang makuha ang WBA super welterweight belt sa magaganap na pagtutuos nila sa MGM Grand Arena sa July 21.

Samantala nito lamang nakalipas na linggo ay agaw pansin ang muling pagkikita nina Pacquiao at ang retired Mexican legend na si Eric “El Terrible” Morales.

Kung maalala naging alamat ang tunggalian ng dalawa na kabilang sa pinakamatinding rivalry sa boxing.

Naganap ang pagdalaw ni Morales sa US$10 million na mansyon upang magkaroon din ng panayam sa kaugnay sa nalalapit na laban ni Pacman.

“Great to see my good friend Erik Morales,” ani Pacquiao sa kanyang Twitter post na humirit pa ng biro na hashtag “#MoralesPacquiao4.”

Kitang-kita ang saya ni Manny sa pagdayo sa kanya at mistulang reunion ng dating kalaban na ngayon ay kanyang itinuturing na malapit na kaibigan.

Precilyn Silvestre Melo Pacquiao 2
Photo for Bombo Radyo by Precilyn Silvestre-Melo (USA correspondent)

Inilarawan pa ng Pinoy ring idol si Morales bilang isang mabangis na mandirigma sa loob ng ring.

Matatandaang natalo ni Morales ang eight division world champion sa kanilang unang laban.

Ngunit pinatunayan ni Pacquiao na siya ang tunay na kampyon nang ipinanalo nito ang ikalawa at ikatlo nilang harapan sa ring.