Isiniwalat ni Hall of Fame trainer Freddie Roach na posible umanong ikonsidera ni Sen. Manny Pacquiao ang isang blockbuster fight kontra kay Gennady Golovkin.
Ayon kay Roach, maaari raw kasi na targetin ni Pacquiao na makadagit ng titulo sa ikasiyam na dibisyon laban sa itinuturing na isa sa mga all-time great middleweights ng boxing.
“But the thing is, Manny might want to go a little bit higher and fight GGG or one of those guys who’s supposed to be the best,” wika ni Roach.
Gayunman, tutol si Roach na umakyat sa 160-pounds si Pacquiao bunsod ng posibleng panganib na maidudulot nito sa Fighting Senator.
Kuwento pa ng boxing coach, medyo kabado rin daw sila nang magpasya noon si Pacquiao na umakyat sa welterweight mula sa lightweight noong 2008 nang makipagsagupaan ito sa mas matangkad na si Oscar De La Hoya.
Ngunit laking ginhawa daw nila nang masilat ni Pacquiao ang Mexican boxing legend, at ipinakita raw ng Pinoy ring icon na komportable ito sa naturang timbang.
“I would not advise him to go to 160 pounds, no. That would be a little crazy. But putting him at 147 was a risk at one time … and it worked out really good for us,” ani Roach.
Kung maaalala, si Pacquiao lamang ang tanging boksingero sa buong mundo ang nakakuha ng titulo mula sa walong magkakaibang weight divisions.