Napanatili pa rin ni Jerwin “Pretty Boy” Ancajas (27-1-1, 18 KOs) ang korona sa junior bantamweight division matapos na pabagsakin sa 7th round ang Japanese challenger na si Teiru Kinoshita (25-3-1, 8 KOs) bilang bahagi ng undercard sa Manny Pacquiao-Jeff Horn showdown sa Suncorp Stadium sa Brisbane, Australia.
Napaluhod at hindi na nakabangon pa si Kinoshita nang tamaan ng body shots ni Ancajas sa kaliwang bahagi.
Sa second round pa lamang ay dumugo na ang kilay ni Kinoshia.
Nagpakita naman ito ng tibay kahit tinatamaan sa mukha ng mga suntok ng kaliwete na Pinoy champion.
Dahi dito tinarget na ni Ancajas ang bodega o tiyan ni Kinoshita hanggang sa bumigay ito.
Si Ancajas na tubong Panabo City, Davao del Norte, ang unang world champion na nasa ilalim ng MP Promotions na pag-aari ni Pacquiao.
Bago ang laban, nakapanayam pa ng Bombo international correspondent Johnny Armas ang Top Rank big boss na si Bob Arum at sinabi nito na next rising star si Ancajas.
Ayon kay Arum, nakikita niya na susunod sa yapak ni Pacman ang 25-anyos na si Ancajas dahil sa maganda rin ang porma nito, footwork at timing sa pagpapakawala ng suntok.