Umugong ngayon ang isyu sa posibilidad na paghaharap sa nalalapit na panahon nina boxing legend Manny Pacquiao at mixed martial arts superstar Conor McGregor.
Ito ay makaraang pumirma si Pacquiao, 41, sa Paradigm Sports Management ang kaparehong kompaniya ng 31-anyos na si McGregor.
Ang naturang management deal ay posible raw maging daan para mabuo ang mega-fight sa pagitan ni Pacman at McGregor sa isang boxing match.
Noong lamang January 18 sa naging laban ni McGregor ay inilutang din niya ang pangalan ng Pinoy boxing icon para sa next fight.
Kung maalala noong taong 2017 nang magharap sina McGregor at retired boxing champion Floyd Mayweather Jr. kung saan kumita ito ng 4.3 million pay-per-view (PPV) buys.
Ang naturang pambihirang pag-akyat sa boxing ring ng Irishman ay natikman din niya ang pagkatalo sa kamay ng undefeated na retired American champion.
Ang laban naman ni Pacquiao (62-7-2, 39 KOs) kay Mayweather noong 2015 ay umani ng 4.4 million buys sa PPV.
Samantala sakali naman daw na hindi matuloy ang paghaharap nina Pacquiao at McGregor posibleng malaban niya ngayong taong 2020 sinuman kina Mikey Garcia, Danny Garcia o kaya si Errol Spence Jr.