Mistulang malamig si WBO “super” welterweight champion Sen. Manny Pacquiao sa ideyang umakyat ito ng timbang upang harapin si IBF middleweight champion Gennady Golovkin.
Una rito, inilutang ni Hall of Fame trainer Freddie Roach na may posibilidad umanong sumabak sa isang catch-weight fight si Pacquiao kontra sa Kazakh knockout artist.
Ayon kay Pacquiao, handa naman daw itong harapin si Golovkin ngunit dapat ay mangyari lamang ito sa welterweight limit na 147-pounds.
“Basta 147 [pounds], okey lang ako. Pero kung above that, masyadong malaki sa akin,” wika ni Pacquiao sa isang panayam.
Noong kanyang huling boxing fight noong Oktubre 2019 laban kay Sergiy Derevyanchenko, tumimbang si Golovkin ng 159.2-pounds.
Habang si Pacquiao ay nagtala ng timbang na 146.5-pounds nang talunin nito sa pamamagitan ng split decision ang dating walang talong si Keith Thurman noong Hulyo 2019.
Kung maaalala, halos isang dekada na ang nakalilipas nang umakyat ang Fighting Senator sa junior middleweight at hinamon si Antonio Margarito para sa bakanteng World Boxing Council (WBC) super junior middleweight title.
Nangyari ang sagupaan sa catch-weight na 150-pounds kung saan nagapi ni Pacquiao si Margarito.
Sa naturang laban, may bigat na 144 si Pacquiao, habang si Margarito ay 150.
Ngunit kahit na hindi naman daw nahirapan si Pacquiao, napagtanto nito na masyadong malaki si Margarito kaya hindi na ito bumalik sa timbang na mas mataas sa 147.
Sa kabila nito, hindi naman daw isinasara ni Pacquiao ang kanyang pintuan na makasagupa si Golovkin sa 154.