-- Advertisements --
pacquiao buboy fernandez
Pacquiao and Fernandez in training

Sasalang na sa mas dibdibang pagsasanay si eight-division world champion Sen. Manny Pacquiao sa susunod na linggo para sa nakatakda nitong unification match kontra kay undefeated American fighter Keith Thurman sa Hulyo 21.

Katunayan, sa Martes ay uumpisahan na ang sparring session kung saan makikipagtunggali si Pacquiao sa ilang mga local at foreign sparring mates.

Kabilang sa mga magiging spar mates ni Pacquiao ang undefeated Australian na si Tim Tszyu, na isa ring world-rated superwelterweight fighter.

Tangan ni Tszyu ang malinis na 13-0 kartada at kagagaling pa lamang nito sa isang unanimous decision win sa laban kontra sa kababayang si Joel Camilleri noong Mayo 15.

Ayon kay strength and conditioning coach Justin Fortune, target nitong umabot na sa anim hanggang walong rounds ang sparring ni Pacquiao sa loob ng dalawang linggo.

Ito ay bago dalhin ng Fighting Senator ang kanyang pagsasanay sa Wild Card Gym sa Los Angeles, California para doon na mag-ensayo.

Sa panig naman ni head coach Buboy Fernandez, nakatuon ang atensyon ng coaching staff sa bilis at stamina ni Pacquiao, na magiging sandata raw nito kay Thurman.

Dalawang linggo mula ngayon ay tutulak na pa-Los Angeles ang Team Pacquiao para doon na magsanay kasama si Hall of Famer coach Freddie Roach.