-- Advertisements --

Hindi umano nababahala ang WBO welterweight champion at Senator Manny Pacquiao (59-6-2, 38 KOs) kahit matangkad pa at malaki sa kanya si Jeff Horn (16-0-1, 11 KOs).

Ayon kay Pacman, hindi na bago sa kanya ang makalaban ang mas malalaki pa at mas mabigat sa timbang.

Inihalimbawa pa niya ang iba pang mga boxing legends na mas malalaki tulad na lamang umano nina Oscar De La Hoya, Antonio Margarito at nandiyan din umano si Miguel Cotto.

Una nang ipinagyabang ng trainer ni Horn ang malakas  na kanang kamao nito na kapag napuruhan daw si Pacman ay matutulog ito sa lona.

Ang iba namang miyembro ng team ni Horn, 29, ay nagsabi na dapat gamitin ng dating Olympic boxer ang laki nito o kaya i-bully ang eight division world champion para mawala sa porma.

Sagot naman ni Pacquiao, 38, handa niya itong harapin.

Inamin naman ng Pinoy ring icon na sa mga nakalaban niya, itinuturing niya na ang pinakamalakas na sumuntok ay ang Puerto Rican superstar na si Miguel Cotto.

Kung maalala nangyari ang bakbakan ng dalawa noong November 14, 2009 na ginanap sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.

Nanalo si Pacquiao sa pamamagitan ng technical knockout sa 12th round.

Nagharap ang dalawa para sa WBO welterweight championship.

Samantala, habang nagre-relax si Pacman para sa Horn showdown sa Linggo, nagbigay ito ng panahon na sagutin ang ilang katanungan ng mga fans sa iba’t ibang dako ng mundo sa pamamagitan ng social media habang siya ay nasa kanyang hotel.

Kabilang sa tanong ng isang fan, kung sino ang pinakamahirap na naging kalaban ng fighting senator.

Ilang segundo ring nag-isip ang eighth division world champion at sinabing ang pinakamahirap niyang nakaharap sa ring ay ang Mexican legend na si Erik “El Terrible” Morales.

Ang rivalry nina Pacquiao at Morales ay inabot din ng trilogy fight.

Sa unang laban ng dalawa ay nanalo si Morales sa pamamagitan ng unanimous decision.

Sa rematch ay nasungkit ni Pacquiao ang TKO victory kay “El Terrible.”

Pagsapit ng third fight noong 2006 tatlong beses na pinabagsak ni Pacman si Morales kung saan sa third round ay naitala ng Pinoy superstar ang third round knockout.