-- Advertisements --

Napanatili ni Yordenis Ugas ang kaniyang WBA “super” welterweight belt matapos na talunin si Manny Pacquiao sa shocking upset na ginanap sa T-Mobile Arena sa Las Vegas, Nevada.

Pinaburan ng tatlong judges ang Cuban boxer para makuha ang unanimous decision 115-113, 116-112, 116-112.

Ito na ang pang-27 na panalo ni Ugas habang pang walong talo naman ng fighting senator na mayroong 62 panalo, walong talo at dalawang draw.

Magugunitang si Errol Spence Jr sana ang makakaharap ni Pacquiao subalit umatras ito 11 araw bago ang laban dahil sa injury sa mata kaya ipinalit si Ugas.

Para sa marami big upset ang nangyari dahil kahit 42-anyos na si Pacman ay 3-1 favorite pa rin ito na mananalo dahil sa eksperyensa.

Ayon sa ilang observers maaring nakaapekto kay Manny ang mahigit dalawang taon na walang laban. May ilang bahagi ng rounds na wala na ang dating napakaliksi na diskarte ng fighting senator.

Inamin naman ni Ugas, malaking bagay daw ang kanyang right jabs upang ma-neutralize ang atake ng Pinoy ring icon at mga kumbinasyon. Halata ring naging epektibo ang mahabang kamay at tangkad ng ex-Cuban Olympian.

Sa kabila nito, nagbigay pugay si Ugas sa nakaharap niyang ring legend at handa naman daw syang magkaroon ng remarch.

Si Pacquiao naman ay nag-sorry sa mga fans na umaasa sana sa kanyang panalo.

Sa ngayon pag-iisipan muna raw niya kung magreretiro na sa 26 na taon na career sa pagboboksing.