-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Mismong mga miyembro ng Team Pacquiao ay aminado na mananalo ang fighting senator laban kay Keith Thurman via decision sa darating na July 21.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Coach Raides “Nonoy” Neri, assistant coach ni Buboy Fernandez, maaari aniyang ma-knockdown ni Manny Pacquiao si Thurman ngunit walang knockout.

Batay sa mga huling laban ni Thurman ayon kay Neri, tumatakbo ito sa loob ng ring.

Aminado si Coach Neri na magaling na boksingero si Thurman ngunit hindi ito kagaya ni Miguel Cotto na counterpuncher.

Ayon pa kay Neri, magaling at “tested boxer” na ang Pinoy ring icon pero pinaghahandaan pa rin ng Team Pacquiao ang Thurman tactic.

Ito’y upang maiwasan ang sinapit ni Pacman sa Marquez fight.

Samantala, sinabi ng isa pang miyembro ng team na si Rodel Mayol na nandiyan ang killer instinct ni Pacquiao ngunit mataas ang tiyansa na mananalo lang ito via decision.

Ayon kay Mayol na trainer din sa Wild Card Gym sa Los Angeles, hindi nila ipipilit na habulin ni Pacquiao ang American boxer kundi sa puntos nalang titingin ang jury.

Sa huli ayon kay Mayol, mananalo si Sen. Pacquiao via split decision.

Kasabay nito, ipinaabot ni Coach Neri sa mga tagapakinig ng Bombo Radyo Philippines na huwag mag-alala dahil handang-handa na si Manny sa kanyang nalalapit na laban.