Kumbinsido ang kampo ni Floyd Mayweather Jr. na magtatapos sa knockout ang sagupaan nina Sen. Manny Pacquiao at ni Keith Thurman mamaya.
Sinabi ni Mayweather Promotions CEO Leonard Ellerbe, tiyak umanong sa umpisa pa lamang ng laban ay umaatikabong aksyon kaagad ang masisilayan lalo pa’t agresibo raw si Pacquiao na makaiskor ng knockout.
Ikinumpara rin ni Ellerbe ang Pacquiao-Thurman match sa makasaysayang bakbakan naman nina boxing legends Marvin Hagler at Thomas Hearns noong 1985.
“There will be a lot of action early in this fight and both guys will try to take each other out. I could see it being the second coming of Hagler-Hearns,” wika ni Ellerbe.
Palagay din ni Ellerbe, na mas motivated daw si Pacquiao na durugin si Thurman kumpara sa mga nakaraan nitong laban mula nang hindi ito palarin kay Mayweather nang nagtuos ang dalawang kampeon apat na taon na ang nakalilipas.
Hindi rin umano malayong magpakitang gilas din si Thurman lalo pa’t gusto nitong patunayan na hindi pa ito nangangalawang hindi gaya ng ipinakita nito sa nakaraang laban niya kay Josesito Lopez noong Enero.
Una nang sinabi ni Ellerbe na napakalabo na umanong magkainteres pa ni Floyd Jr. sa isang rematch kontra kay Pacquiao dahil masaya na umano ito sa pagiging retirado.