-- Advertisements --

Pahinga muna sa dibdibang ensayo para sa susunod nitong laban kontra kay undefeated boxer Keith Thurman si eight-division world champion Sen. Manny Pacquiao.

Ayon sa Team Pacquiao, iginugol ng Filipino icon ang kanyang oras sa paggigitara kasama ang pamilya at mga kaibigan nito sa kanyang tahanan sa Los Angeles.

Buhat nang dumating ito sa Estados Unidos mahigit isang linggo na ang nakalilipas, walang humpay ang ginagawang ensayo ni Pacquiao sa pamamagitan ng pag-jogging sa mga burol sa Griffith Observatory o sa Pan Pacific Park sa umaga.

Pagsapit naman ng hapon, sumasailalim ito sa hard training sa Wild Card Gym ni coach Freddie Roach sa Hollywood.

Nitong Miyerkules nang sumabak sa limang rounds ng sparring ang fighting senator kasama sina AB Lopez at Arnold Gonzales.

Sinabi ni head coach Buboy Fernandez, sa kanilang assessment ay nasa 90% na raw ang kondisyon ng Fighting Senator para sa laban nila ni Thurman.

Nais lamang din aniya nilang siguruhin na nasa perfect shape ang katawan ng Pinoy legend.