LAS VEGAS – Tumimbang sa 146 pounds si Filipino ring icon Manny Pacquiao habang mayroong 147 lbs. naman ang makakalaban nito na reigning champion na si Yordenis Ugas.
Ito ang ulat ni Bombo international correspondent Dr. John Melo mula sa MGM Grand.
Aniya, ang pagtimbang sa dalawang boksingero ay ginanap isang araw bago ang harapan ng dalawa bukas.
Kung maalala noong huling laban ni Pacquiao taong 2019 kontra rin sa kampeon na si Keith Thurman ay tumimbang din si Pacman sa 146.5 pounds.
Sinasabing tama lamang daw at nasa fighting form ang eight division world champion.
Samantala, hindi naman pinayagan ang ilang Pinoy na manonood sana sa weigh-in pero marami pa rin ang naghintay sa labas ng venue.
Magugunitang ipinalit lamang si Ugas na makakalaban ng fighting senator ilang linggo bago ang laban matapos na umatras ang itinakdang makakalaban nito na si Errol Spence Jr dahil sa operasyon sa mata.