GENERAL SANTON CITY – Tumugon si Eight Division World Boxing Champion Manny Pacquiao sa mga patutsada ni Floyd Mayweather Jr sa kabila ng kanilang nakatakdang exhibition fight ngayong buwan ng Hulyo.
Ito’y matapos sabihin ni Mayweather na si Pacquiao ang pinakamahinang boksingero na nakalaban niya sa boxing ring.
Ngunit sa halip na magalit sa nasabing komento, gumanti si Pacquiao sa pagsasabing hindi lang matanggap ni Mayweather ang mga komento ng mga mamamayan mula sa iba’t ibang lugar matapos makita ang dati nilang laban na panay takbo lamang ang American boxer sa ibabaw ng ring.
Idinagdag ni Pacquiao na sa kanilang laban ngayong Hulyo ay may mga aksyon na makikita ang publiko sa loob lamang ng anim na round dahil kung may pagkakataon ay magkakaroon ng knock out.
Sa pangwakas na mensahe nito kay Floyd, nararapat na magpakita ng pagpapakumbaba at huwag magyabang sa mga nagawa.
Samantala, ipagpapatuloy ni Pacquiao ang pagsasanay para sa kanyang nalalapit na laban kontra kay Buakaw Banchamek na gaganapin ngayong Abril.