Hindi pa rin inaalis ang posibilidad ng bakbakan sa pagitan nina Pinoy boxing icon Manny Pacquiao at British boxer Amir Khan.
Ito ay kasunod ng pinakahuling pahayag ni Khan na marami umano ang interesadong makita ang naturang labanan.
Ayon kay Khan, bagaman mistulang mahirap maisapinal, marami ang mga nagnanais makapanood sa naturang laban. Gusto aniya ng kampo ni Pacquiao habang gusto rin ng kanyang kampo na harapin ang Pinoy icon.
Maliban dito, nais din ng mayamang Kingdom of Saudi Arabia na makita ang laban at ganapin ito sa Abu Dhabi.
Naniniwala si Khan na kakayanin niya ang bagsik ni Pacquiao sa kabilang ng pagkatalo niya sa huli nitong laban kontra kay Kell Brook. Sa naturang laban ay nagtamo si Khan ng knockout sa ika-anim na round. – GENESIS RACHO