Pormal na anunsiyo na lamang o kumpirmasyon ang inaantay ng ilang mga boxing experts na baka matuloy na ang next fight ni “regular” WBA champion Manny Pacquiao (61-7-2, 39KOs) kontra kay “super” WBA champion Keith Thurman (29-0, 22KOs).
Maging ang kilalang boxing analyst na si Atty. Ed Tolentino ay agad na sumang ayon na magandang laban ito para sa Pinoy legend na posibleng maganap sa kalagitnaan ng buwan ng Hulyo sa Las Vegas.
Ayon kay Tolentino, mas maganda raw ito kumpara sa nangyaring Pacquiao versus Broner noong buwan ng Enero.
Ilan daw sa istilo ni Thurman ay magalaw din pero lumalaban nang sabayan.
Nasa 10 taon ang edad sa pagitan nina Pacquiao at Thurman at dati na rin na may problema sa kalusugan ang American champion.
Halos dalawang taon kasi na hindi lumaban si Thurman, 30, dahil sa kanyang elbow surgery at hand injury.
Umakyat muli ito ng ring noong buwan lamang ng Enero at nanalo via majority 12-round decision kontra kay Josesito Lopez.
Tamang-tamang raw na sa next fight nito kay Manny ay “very healthy na ito.”
Si Thurman ay merong 29 na ang panalo at wala pang talo.
Sinabi pa sa Bombo Radyo ni Tolentino gustong gusto ni Pacman, 40, na makalaban ang mas bata at wala pang talo na boksingero para makaiwas daw na kantiyawan siya ni Floyd Mayweather Jr.
Ang ilan pang unbeaten boxers na mga kampeon din at hindi umubra kay Pacquiao ay sina Emmanuel Lucero, Tim Bradley, Chris Algieri, Jorge Solis, Nedal Hussein at iba pa.
Samantala, noon pa man ay nangungulit na si Thurman na sana ay harapin siya ni Pacman.
Nag-post pa ito sa kanyang Twitter na magharap sila bago magretiro ang fighting senator.
Keith Thurman Jr.@keithfthurmanjr
“@mannypacquiao​ is the last living legend in the sport and it would be an honor to share the ring with him. #OneTime”