KORONADAL CITY – Wala ng buhay nang matagpuan ang isang lalaki matapos itong mahulog at malunod sa lawa sa Sitio Lemnabul, Poblacion, Lake Sebu, South Cotabato.
Ito ang kinumpirma sa Bombo Radyo Koronadal ni Mr. Rolly Aquino, ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Officer ng South Cotabato.
Kinilala ang biktima na si Charlie Unak Abid, 49 yeras old, may asawa at residente ng nasabing lugar.
Nawala si Abid alas-3 ng hapon noong nakaraang araw matapos na mangisda sa lawa at hindi na nakabalik pa kung saan tanging sombrero na lamang nito ang nakita sa palaisdaan.
Mahigit 24 oras ang ginawang search and rescue operation bago lumutang at nakita ang bangkay ng mangisngisda.
Wala namang tinitingnan na foul play ang pamilya ng biktima dahil naniniwala ang mga ito na baka inatake sa puso ang biktima habang nangingisda.
Napag-alaman na kasama ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ng South Cotabato sa ginawang search and rescue operation ang Philippine Coast Guard at iba pang grupo.
Una na ring inihayag ng alkalde ng Lake Sebu, South Cotabato na si Mayor Floro Gandam na ito ang unang pagkakataon makalipas ang sampung taon na may nalunod sa nasabing lake.
Nagpaalala na rin ang MDRRMO Lake Sebu sa mga estudyante at mga kabataan sa lugar na mag-ingat at iwasan muna ang pagpunta sa nasabing lake dahil kinokonsiderang isa din ito sa mga malalim na Lake sa bayan ng Lake Sebu.