LEGAZPI CITY – Patay ang padre de pamilya matapos matuklaw ng ahas habang nangunguha ng panggatong na kahoy sa bundok ng Brgy. Mabini, Panganiban, Catanduanes.
Kinilala ang biktima na si Jessie Ogalesco, walang asawa at may dalawang anak na pawang mga bata pa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Christian De Jesus, information officer ng Panganiban, tanghali ng manguha ng kahoy sa naturang bundok si Ogalesco kasama ang mga kaibigan ng biglang tuklawin ng cobra.
Base sa kasamahan nito, nakuha pang tagain ng biktima ang ahas matapos na matuklaw ng dalawang beses sa paa.
Ayon kay De Jesus, sinubukan pa itong iligtas ng mga kasama subalit mabilis na kumalat sa katawan ang kamandag ng ahas at bago pa man maibaba sa bayan ay binawian na ng buhay.
Agad namang inilibing ang bangkay ng biktima upang maiwasan ang pagkalat ng kamandag at hindi na makadamay pa ng iba.
Sa katunayan, nagbigay ang lokal na pamahalaan ng Personal Protective Equipment (PPE) sa mga nag-assist sa libing ng biktima para sa kanilang kaligtasan.
Samantala, nasa pangangalaga na ng mga kamag-anak ang naiwang dalawang bata.
Bukas naman ang lokal na pamahalaan sakaling mangailangan ng tulong ang mga na-ulilang anak.