-- Advertisements --

NAGA CITY – Patay ang isang padre de pamilya matapos na magpatiwakal sa Brgy. Malao-a, Tayabas City.

Kinilala ang biktima na si Roldan Narzabal Catcha, 36-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na natagpuan na lamang ang biktima na wala ng buhay ng kapatid nitong si Angelic Catcha matapos na magbigti sa loob ng bahay ng mga ito.

Ayon naman sa ama ng biktima, nagkaroon umano ng hindi pagkakaintindihan si Roldan at ang asawa nito matapos na maubos ang pinag-ipunan nitong pera sa online sabong.

Sa isinagawang ocular inspection sa bangkay ni Roldan, wala naman umanong indikasyon na may tinamo itong external injury at naniniwala rin ang mga kapamilya nito na walang nangyaring foulplay sa insidente.

Kaugnay nito, tumanggi na rin ang mga kapamilya nito na isailalim pa sa post-mortem examination ng SOCO ang nasabing biktima.