Namayagpag ang First World Para-Dragon Boat Champion na Philippine Accessible Disability Services o PADS Dragon Boat Racing Team sa katatapos na 13th International Dragonboat Federation Club Crew World Championship na ginanap sa Sarasota, Florida, USA mula July 17-26, 2022. Nakapag-uwi ng apat na gintong medalya ang koponan sa mga kategoryang PD2 2000 meters, 500 meters, 200 meters at PD1 200 meters short boat.
Sa pahayag ng Team Captain na si Arnold Balais sa Star FM Baguio, inilarawan nito kung ano ang kanilang mga pinagdaanan bago nila makuha ang mga medalya at iba’t-ibang mga karangalan sa bawat kompetisyon na kanilang nilalahukan.
“Nakakatuwa din, kasi dati pinapangarap lang namin na makasakay sa dragon boat, exercise, recreation para sa mga persons with disabilities. Hanggang sa na-develop, unti-unti na kaming nakakasabay sa mga Non-PWD na mga teams. Talagang nagtiyaga kami. Inabot kami ng ilang taon bago kami naging competitive na dragon boat team. Ginagawa namin ito para sa bayan natin, para mabigyan ng karangalan ang bansa.”
Ang PADS Dragon Boat team ay ilang beses ng nakapagbigay ng karangalan sa bansa kung saan nag-uwi ang mga ito ng mga medalya sa kanilang mga linahukan na local at International competitions. Kabilang na dito ang paggawa nila ng kasaysayan kung saan sila ay tinanghal bilang kauna-unahang Para-Dragonboat Champion ng manalo sila sa International Dragon Boat Federation – Dragon Boat World Championship sa Pattaya,Thailand noong August 2019.