CAUAYAN CITY – Isinakay sa Philippine Air Force transport plane C295 at inilipad na patungong Clark Air Base, Pampanga ang apat na nasawi sa pagbagsak ng Huey Helicopter ng PAF sa lungsod ng Cauayan, Isabela.
Inilabas ngayong hapon ng pamunuan ng Tactical Operations Group 2 (TOG 2) ang pangalan ng apat na nasawi at isang nakaligtas sa naganap na pagbagsak ng huey helicopter sa Cauayan City.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Col. Augusto Padua, commander ng TOG 2, kinilala nito ang mga nasawi na sina Maj. Christopher Caesar Urbano, piloto at residente ng Lingayen, Pangasinan; ang kanyang co-pilot na si Capt. Feorelio Bernardo na taga-Naga City; observer na si 1Lt. Mike Tuesday Tabigne, tubong Butuan City, Agusan del Norte; isa pang crew na si SSgt. John Cristopher Taguiam ng Cabanatuan City; at ang nakaligtas na si A1C Jerry S. Aviles Jr., residente ng Floridablanca, Pampanga.
Ang nakaligtas na si Aviles ay nakatakdang dalhin sa V- Luna Hospital sa Quezon City upang malapatan ng kaukulang lunas.
Inihayag pa ni Padua na hindi nila kaagad inilabas ang pangalan ng mga biktima dahil kinakailangan munang ipaalam sa kani-kanilang pamilya.