-- Advertisements --

Binisita ni Philippine Air Force Commanding General Lt. Gen. Arthur Cordura ang mahahalagang pasilidad sa West Philippine Sea.

Nagsagawa ng 2 araw na field visit ang PAF chief sa Antonio Bautista Air Base (ABAB) sa Palawan at sa Pag-asa Island mula Enero 14 hanggang 15 ng taong kasalukuyan.

Ang pagbisita ng PAF chief sa naturang mga lugar ay nagbibigay diin sa commitment ng Hukbong Himpapawid ng Pilipinas sa national security at kapakanan ng kanilang personnel.

Mainit namang sinalubong ng mga tropang nakadestino sa Antonio Bautista Air Base si Lt. Gen. Cordura sa pangunguna ni Tactical Operations Wing West (TOWWEST) Commander Brigadier general Erick Escarcha.

Sa kaniyang pagbisita, pinuntahan ng opisyal ang iba’t ibang mga pasilidad at nakipag-engage sa mga tropang nakaistasyon doon.

Tinungo din ng PAF Commander ang Balabac Island na isang estratehikong Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) site na nasa area of responsibility ng Tactical Operations Wing West na gumagampan ng mahalagang papel sa pagpapalakas ng defense capabilities ng ating bansa, pagtataguyod ng regional security at pagpapadali ng kooperasyon sa humanitarian at disaster relief operations.

Binisita din ng PAF chief ang Pag-asa Island sa WPS para pagtibayin ang hindi natitinag na dedikasyon ng PAF sa pagprotekta sa soberaniya ng ating bansa.