Lalo pang lalakas umano ang helicopter fleet ng Philippine Air Force (PAF) sa pagdating ng unang batch na anim na brand new Sikorsky S-70i Black Hawk combat utility helicopters matapos pormal na itong i-commission sa serbisyo kaninang umaga.
Pinangunahan nina Defense Secretary Delfin Lorenzana at PAF commanding general Lt. Gen. Allen Paredes ang commissioning ceremony ng anim na Black Hawk choppers matapos itong i-deliver ng Polish contractor PZL Mielec, isang subsidiary ng American defense company Lockheed Martin.
Isinagawa ang seremonyas sa Haribon Hangar sa Clark Air Base sa Pampanga.
Ayon kay Lorenzana, 10 pang combat utility choppers ang nakatakdang i-deliver sa susunod na taon.
Ang 16 na Sikorsky S-70i Black Hawk helicopters ay nagkakahalaga ng P12.1 billion.
Nilinaw ni Lorenzana na ang mga Black Hawk choppers ang siyang ipinalit sa kinanselang kontrata para sa 16 na Bell 412EP helicopters mula Canada.
Aminado ang kalihim na siya ay nalungkot at frustrated nang kanselahin ang nasabing kontrata dahil babalik na naman sila sa una.
Aniya, ang pagkansela sa deal ng Bell 412 choppers ay nagresulta sa magandang deal at ito ay ang Sikorsky Black Hawk helicopters.
Binigyang-diin ni Lorenzana na ang pagdating ng mga brand new choppers ay lalo pang magpapalakas sa helicopter fleet ng PAF lalo na at luma na ang mga huey choppers na patuloy na ginagamit ngayon.
Sinabi ni Lorenzana, gagamitin sa iba’t ibang mission ang mga brand new combat utility helicopters sa pag-transport ng mga cargoes at personnel, medical evacuation, casualty evacuation, aerial reconnaissance, disaster relief operations, troop insertion and extrication, combat resupply, combat search and rescue and limited close air support.
Maari na rin ito gamitin sa day and night tactical lift lalo na sa combat and non-combat search and rescue operations.