Magpapakitang gilas ang Philippine Air Force ng kanilang kakayahan sa pagdepensa ng ating teritoryo kasabay ng ika-77 founding anniversary nito.
Ayon kay PAF spokesperson Col. Ma. Consuelo Castillo, ang kanilang kapasidad na bawiin ang teritoryo na kinubkob ng kalabang pwersa at pag-detect, pag-track at pag-nutralisa sa sasakyang panghimpapawid ng kalaban ay kanilang ipapamalas sa Hulyo 1 sa Basa Air Base sa Floridablanca sa lalawigan ng Pampanga.
Magkakaroon din ng airstrike missions, intelligence reconnaissance at surveilance sa lugar gamit ang unmanned aerial vehicles.
Sasakay din ang tropa ng PAF sa Black hawk helicopters gamit ang fast-rope insertion at extraction system.
Ipapamalas din ng PAF ang kapasidad ng bagong Ground-Based Air Defense System (GBADS) o kilala din bilang Spyder mobile air defense system na gawa mula sa Israel na may kakayahang protektahan ang airspace ng bansa mula sa kalabang aircraft.
Maliban naman sa pagpapamalas kapasidad ng PAF, magkakaroon din ng flyby ng PAF aircraft bilang pagbibigay pugay sa okasyon na dadaluhan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at bilang guest of honor.