-- Advertisements --

Tiniyak ng Philippine Air Force (PAF) na may kakayahan ito na magpadala ng air assets para suportahan ang ibang sasakyang panghimpapawid ng ating bansa na nago-operate sa West Philippine Sea.

Ito ay kasunod ng mapanganib na flight maneuvers ng Chinese Navy helicopter sa aircraft ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) habang nagsasagawa ng routine maritime domain exercises sa may Bajo de Masinloc noong Pebrero 18 sa napakalapit na distansiya na naglagay sa buhay ng mga lulan ng BFAR aircraft sa panganib.

Ayon kay PAF spokesperson Col. Ma. Consuelo Castillo, nakadepende ang posibleng deployment ng kanilang assets sa desisyon ng nakatataas na opisyal.

Inihayag din ng PAF official na ang nasabing hakbang ay mangangailangan ng pagsasaalang-alang sa operasyon pagdating sa logistics at pagpapatuloy nito dahil malayo ang WPS mula sa normal operating area ng mga asset ng Air Force.

Dagdag pa ni Col. Castillo na may kapasidad din ang kanilang helicopters para sa ship deck operations at nagsasanay din aniya sila kasama ang Philippine Navy para sa ship deck operations para maging matagumpay ang operasyon.