Grounded muna ang lahat ng MG-520 attack helicopters ng Philippine Air Force (PAF) matapos bumagsak ito kaninang alas-9:30 ng umaga sa coastal area ng Handayan Island, Jetafe, Bohol habang nagsasagawa ng maintenance at engineering flight.
Bumuo na rin ng probe team ang PAF para imbestigahan ang insidente.
Sa pagbagsak ng helicopter patay ang Pilot-in-command na nakilalang si Captain Aurelius Olano, habang nakaligtas naman ang co-pilot nito na si 1LT Hilary Bunaw, A1C Bonn Arasola at A1C Rex Anapyo pawang mga helicopter mechanic.
Kasalukuyang ginagamot na ang mga ito sa Pres Carlos P. Garcia Memorial Hospital sa Talibon,Bohol at nakatakdang i transfer patungong Cebu City.
Ang namatay na 32 years old na piloto ay tubong Candijay, Bohol.
Napag-alaman na kabilang si Olano sa mga pilotong idineploy ng PAF nuong kasagsagan ng giyera sa Marawi siege nuong 2017.
Ayon kay Air Force Spokesperson Lt/Col. Maynard Mariano, galing umano sa Benito Ebuen Air Base sa Mactan, Cebu ang MG -520 Attack Helicopter.
Agad namang nakarating sa crash site ang mga tauhan ng PAF 505 Search and Rescue Group, 47Th Infantry Battalion ng Philippine Army, at Bohol PDRRMO, at isinugod sa ospital ang tatlong crew na mga survivors.
Ipinaabot ni PAF Commanding General, Lt Gen. Allen Paredes ang pagdadalamhati ng buong Air Force sa pagkakasawi ng piloto sa pagganap ng kanyang tungkulin, kasabay ng pagtiyak ng tulong sa kanyang pamilya.
Maging si AFP Chief of Staff Gen. Cirilito Sobejana nagpa-aabot rin ng pakikiramay sa namatay na piloto at ikinalungkot ang insidente.
Sa kabilang dako, tiniyak naman ng pamunuan ng Central Command sa pamumuno ni Lt Gen. Roberto Ancan na nakabase sa Visayas ang tulong para sa nasawing piloto at maging sa mga survivors.
Ayon kay Centcom U7 at Civil Military Operations Commander Col. Gerry Besana sa panayam ng Bombo Radyo, sobrang nalungkot si Lt Gen. Ancan sa insidente kaya ipinag-utos nito sa Commander ng 47th Infantry Battalion na ibigay ang lahat ng tulong at inaasikaso ang mga ito lalo na yung mga nasa hospital.
” He (Lt Gen. Ancan) commiserates with the family of our pilot and assures that Centcom will provide the necessary assistance. He already tasked the PAF Commander to makee sure that they will be properly attended to, especially those who are hospitalized as well. He gave specific instruction sa army troops on the ground to ensure that the assistance and security sa area are in place,” pahayag ni Col. Besana.