Nag-deploy na ang Philippine Air Force (PAF) ng 2 helicopter units para tumulong sa relief operations sa Bicol region na nananatiling isolated dahil sa malawak na pagbahang iniwan ng nagdaang bagyong Kristine.
Sa situation briefing sa Palasyo MalacaƱang ngayong Biyernes, iniulat ni Defense Secretary Gilbert Teodoro kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagpapadala na ang 205th Helicopter Wing at 505th Search and Rescue Group ng lahat ng rotary assets sa lugar.
Inatasan naman ng Pangulo ang military at uniformed services na pakilusin ang lahat ng manpower at resources para sa relief operations.
Sinabi naman ni Sec. Teodoro na kailangang panatilihin ang air bridge gayundin ang mga personnel na kanilang kailangan upang lahat ng apektadong komunidad ay mabibigyan ng tulong.
Sa ngayon, ayon sa kalihim nasa Naga city at Legazpi na ang PAF para tumulong sa relief operations.
Samantala, sa isang statement, sinabi ng PAF na idineploy ng 505th Search and Rescue Group ang Bell 205A helicopter para sa Rapid Damage Assessment and Needs Analysis sa mga lugar na apektado ng bagyong Kristine para ma-assess ang lawak ng pinsalang idinulot ng bagyo, tukuyin ang mga lubhang apektadong mga lugar para iprayoridad ang agarang relief at response operations.
Ito ay isa lamang sa mga PAF aircraft na kasalukuyang naka-deploy para tumulong sa nagpapatuloy na Humanitarian Assistance & Disaster Relief efforts.