-- Advertisements --
KIDS EVACUEES QUAKE MAKILALA

CENTRAL MINDANAO – Lumipad na ang chopper ng Philippine Air Force (PAF) Tactical Operation Group (TOG)-11 at namigay ng tulong sa mga malalayong lugar sa Makilala, Cotabato.

Ito’y para hatiran ng tulong ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato ang mga residente ng Sitio Kapatagan, Barangay Luayon sa nasabing bayan.

Hindi pa kasi napasok ng mga tauhan ng search and rescue group ang Sitio Kapatagan simula Oktubre 29, pagkatapos gumuho ang malaking bundok at natabunan ang mga kalsada sa pagtama ng 6.5 magnitude na lindol.

Gamit ang helicopter, naghulog ang mga emergency response personnel ng anim na sako ng relief goods sa naturang lugar.

Laman ng mga relief goods na ipinamahagi ang mga pagkain at bigas.

Umaabot sa mahigit 20 pamilya sa Sitio Kapatagan ang nananatili sa lugar at hindi umano nakalabas patungong evacuation center dahil sa pagguho ng lupa.

Nagsisikap naman ang search and rescue units ng North Cotabato para tuluyang mailikas ang mga residente ng Sitio Kapatagan sa mas ligtas na lugar.

Kabilang sa mga nakikitang solusyon ang hakutin ang mga nakulong sa lugar sa pamamagitan sa pagsakay sa chopper ng PAF.

Karamihan sa mga residente ng Barangay Luayon ay nasa Malasila Elementary School na puwersahang inilikas.

Tuloy-tuloy namang namahagi rin ng tulong ang provincial government ng Cotabato sa pangunguna ni Governor Emmylou Mendoza sa libu-libong pamilya na sinalanta ng lindol.