Nagpapatuloy ang round the clock air transportation ng Philippine Air Force (PAF) sa mga relief goods na ipapamahagi sa mga pamilya na biktima ng malakas na lindol sa Central at Eastern Mindanao.
Ayon kay PAF spokesperson Major Aristides Galang, nasa kabuuang 17,000 pounds ang mga relief items gaya ng gamot, food packs, tents at iba pang mga kagamitan na donasyon ng iba’t ibang government and non-government agencies sa Davao, Cotabato at General Santos City.
Ikinarga ang mga ito via PAF C130 cargo plane nitong nakalipas na November 1.
Dahil naman sa kakulangan ng maiinom ng tubig, nagpadala ang Office of Civil Defense ng portable filtration units at iba pang relief items sa pamamagitan ng PAF C295 mula Villamor Air Base patungong Davao City kahapon, November 2.
Sa kabilang dako, ang PAF’s B412 CUH naman ay nagsagawa ng aerial reconnaissance bandang alas-11:00 ng umaga sa may bahagi ng Sitio Kapatagan, Barangay Luayon sa Makilala, Cotabato kung saan nasa 90 pamilya ang pinaniniwalang stranded dahil sa nangyaring landslides.
Sinabi ni Galang, nasa full alert status PAF para matiyak ang agarang pagresponde lalo na sa pagbibigay ng humanitarian assistance and disaster response na kinakailangan.