Patuloy pa ring magpapatrolya ang Philippine Air Force (PAF) sa West Philippine Sea sa kabila pa ng pagsisimula ng pagpapatupad ng China ng no trespass rule nito.
Kung saan sa ilalim ng naturang polisiya ng China na ipinatupad noong Sabado, Hunyo 15, pinapayagan nito ang kanilang Coast Guard na arestuhin ang mga dayuhang trespasser sa kanilang inaangking karagatan at ikukulong sa loob ng 60 araw nang walang paglilitis.
Subalit ayon kay PAF spokesperson Colonel Maria Consuelo Castillo likas na tungkulin ng air force ng bansa ang pagsasagawa ng maritime patrols sa teritoryo ng Pilipinas at sa mga feature sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) nito.
Sinabi din ni Col. Castillo na kailangan ng karagdagang air assets kabilang hindi lamang ang manned aircraft kundi maging unmanned aerial vehicles para makatulong sa pag-monitor sa WPS gayundin sa eastern seaboards at katimugang bahagi ng ating bansa.
Ipinunto din ng PAF official na makakatulong ang pagpapatrolya sa pagsisikap ng pamahalaan laban sa smuggling.
Samantala, una na ring nanindigan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi ito matitinag o matatakot sa naturang polisiya ng China.
Iginiit ng Hukbong Sandatahan ng PH na ang anti-trespassing policy ng China ay nakakasira sa rule of law at international norms na namamahala sa maritime conduct.
Tinawag din ng AFP na ilegal, coercive, agresibo at mapanlinlang ang presensiya at mga aksiyon ng mga barko ng China sa disputed waters.
Nanindigan din maging ang Philippine Coast Guard (PCG) sa posisyon ng PH na walang basehan ang anti-trespassing rule ng China sa pinaga-agawang karagatan na sumasaklaw sa exclusive economic zone ng ating bansa.
Sa kabila naman ng banta ng China, hinihimok ng PCG ang mga mangingisdang Pilipino na patuloy na mangisda pa rin sa WPS.