-- Advertisements --

Patuloy pa rin ang suporta ng Philippine Air Force sa Department of Social Welfare and Development sa paghahatid ng tulong sa mga naapektuhan ng ST Pepito sa lalawigan ng Catanduanes.

Batay sa datos ng DSWD, aabot sa karagdagang 1,300 Family Food Packs ang naihatid ng ahensya sa mga pamilyang naapektuhan sa probinsya.

Isinakay ito sa C-130 aircraft ng PAF mula sa Visayas Disaster Resource Center ng DSWD sa Mandaue, Cebu.

Sa datos, pumalo na sa kabuuang 68,498 FFPs ang naipamigay ng DSWD doon.

Kanya-kanyang diskarte naman ang mga residente sa lugar para makabangon mula sa hagupit ng supertyphoon.

Patuloy rin ang pagsisikap ng PAF na maihatid ng mabilis ang tulong sa mga naapektuhan ng kalamidad.