Grounded ngayon ang lahat ng Sokol choppers ng Philippine Air Force (PAF) kasunod ng pag-crash kahapon ng isa sa mga ito sa Crow Valley, Tarlac.
Ayon kay PAF spokesperson Maj. Aristides Galang, precautionary measure lang ito habang hindi pa nadedetermina ang sanhi ng pagbagsak.
Aniya, mananatiling grounded ang naturang choppers hanggang sa matapos ang kanilang imbestigasyon sa insidente.
Una rito, nakaligtas ang lahat ng walong sibilyan na pasahero at dalawang crew ng helicopter bagamat nagtamo ng sugat ang ilan sa mga ito.
Kabilang sa mga pasahero ng chopper sina House deputy speaker at COOP-Natcco Partylist Rep. Anthony Bravo at iba pang staff.
Nilinaw naman ni AFP spokesman B/Gen. Edgard Arevalo, nabatid na maliban sa bali sa braso, sinasabing nagkaroon din ng head injury ang naturang piloto subalit kasalukuyan na aniyang nagpapagaling sa ospital.