Hinihintay na lamang ngayon ng Philippine Air Force (PAF) ang report sa isinagawang rapid assessment kasama ang NDRRMC sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng 6.6 magnitude na lindol.
Ayon kay Phil Air Force (PAF) Spokesperson Maj Aristides Galang hindi pa nagpadala ng report ang kanilang team hinggil sa isinagawang aerial inspection.
Ang AW 109 choppers ng PAF ang ginamit sa pagsasagawa ng Rapid Damage Assessment & Needs Analysis sa Tulunan, Cotabato para matukoy ang kabuuang pinsala ng lindol.
Kinumpirma din ni Galang na nai transport na rin ng C130 cargo plane ang mga relief goods kaninang umaga para ipamigay sa mga naapektuhan ng malakas na lindol.
Sinabi ni Galang isinakay sa C130 kanina ang nasa 500 family food packs, 500 sleeping kits, 500 laminating sacks, at 50 family
tents.
Ang mga ito ay mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Samantala, may mga lugar din sa ilalim ng Western Mindanao Command ang naapektuhan ng 6.6 magnitude na lindol.
Ito ang kinumpirma ni Wesmincom Commander Lt Gen. Cirilito Sobejana.
Ayon kay Sobejana tumutulong na ang mga sundalo sa mga kababayan natin na apektado ng lindol.
Bukod sa pagtulong nagsasagawa din ng assessment ang mga sundalo sa lugar.
Kabilang sa mga lugar sa Western Mindanao na naapektuhan ng malakas na lindol ay ang North Cotabato boundary ng Kidapawan, Isulan, Tacurong at ilang lugar sa south eastern part ng Maguindanao.
Gayunpaman sinabi ni Sobejana na walang military camps ang na damaged sa nasabing lindol.