-- Advertisements --
isda palengke

Sinuspinde ng Department of Agriculture (DA) ang pag-iisyu ng clearance para sa pag-aangkat ng ilang species ng isda para sa mga food processor o canner gayundin sa mga institutional buyer tulad ng mga hotel at restaurant.

Sa bisa ng Administrative Circular No. 11, series of 2022 na inilabas noong Disyembre 13, sinuspendi ang importasyon ng mga isda gaya ng frozen roundscad, bonito, mackerel, moonfish, pompano, at tuna.

Ito ay upang maiwasan ang diversion ng mga inangkat na isda sa mga palengke at mahikayat ang mga mamimili na tangkilikin ang mga lokal na produktong isda sa ating bansa.

Kaugnay ng pagsuspinde sa pag-iisyu ng Sanitary Phytosanitary Import Clearances, nagtakda naman ang Agriculture department ng karagdagang mga requirementa para sa mga importer na payagang makapag-import ng nasabing mga isda.

Para sa canning industry, sinabi ng DA na ang pag-aangkat ng roundscad o galunggong, bonito, mackerel, moonfish, pompano, at tuna ay dapat direktang isagawa ng mga importer at processors na nagsu-supply ng mga hilaw na materyales sa mga processor na mayroong license to operate na inisyu ng Philippine FDA na alinsunod sa Food Safety Standard.

Para sa mga institutional buyers naman gaya ng hotel at restaurant, sinabi ng DA na ang pag-aangkat ay papayagan sa kondisyon na mayroong isang verifiable recording system, na naglalaman ng pangalan ng mga importer, species, dami ng inangkat na isda at mga kaukulang petsa ng deliveries ng mga isda.

Minamandato din ang departamento ang pagpapakita ng kasunduan sa supply, purchase order, o anumang iba pang patunay ng kontrata, resibo ng deliveries, withdrawal records mula sa cold storage, lokal na permit sa transportasyon at patunay ng pagmamay-ari ng cold storage.