-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Naniniwala ang dalawang researchers na graduate ng Bicol University na malaki ang maitutulong ng paggamit ng net-zero energy upang pag-isahin sa isang terminal ang kalat-kalat na paradahan ng mga pampasahero at pribadong sasakyan sa bayan ng Daraga, Albay.

Malaki ang pasasalamat nina Jadz Literal at Vanessa Ella Bermido na kinilala ang pag-aaral nilang DAHIKULO: A Sustainable Daraga Multimodal Transport Terminal Integrating Net-Zero Energy bilang Most Outstanding Undergraduate Architectural Thesis Project sa buong Pilipinas ng Atlas Career Development Center.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa dalawa, tinitingnan na ugat ng problema sa trapiko sa Daraga ang kakulangan ng transport facility at bilang mga graduates ng Archi course, kailangan ng proyekto makakapag-adapt sa sustainability approach habang isinasaayos ang kapaligiran.

Ayon kay Vanessa, wala pang nakakagawa nito sa bansa subalit karaniwan na sa ibang mga bansa kaya ‘big leap’ kung maipapatupad ito sa naturang bayan.

Ibinahagi naman ni Jadz na marami ang naging paghihirap na kinaharap nila habang ginagawa ang pag-aaral gaya na lamang ng pagkamatay ng kaniyang ama na muntik na umanong ikawala ng kanilang pag-aaral.

Dagdag pa ni Vanessa na isinalang na rin sa ibang kompetisyon ang kanilang pag-aaral subalit hindi pinalad na manalo.

Sa kabila nito, malaki ang pasasalamat ng dalawa na mga taong patuloy na sumusuporta sa kanilang ambisyon na mabigyan pa ng kaukulang atensyon ang pag-aaral upang patuloy na mapondohan at ma-implement sa bayan.

Samantala, hinihintay na lamang ng dalawa ngayon ang pag-contact ng development center para sa pormal na pagbibigay ng parangal.